56

“56” ni Bob Ong
Suring Basa ni Don Militon

MAY-AKDA:
Si Bob Ong ay isang Pilipinong manunulat at ulad ng ibang manunulat, ang kanyang pangalan na ‘Bob Ong’ ay alyas lamang.  Walang nakakakilala sa tunay na katauhan ni Bob Ong.
Sa mga akdang isinulat ni Bob Ong, hindi nawawala ang mga pagmamalabis ng mga sitwasyon upang makapagbigay ng katatawanan.  Binibigyan ni Bob Ong ng kakaibang paraan ang pagbabasa ng kanyang mga likha. Karaniwang nagsusulat si Bob Ong gamit ang pormal at di-pormal na anyo ng Wikang Filipino, upang maintindihan ng kabataan ang kanyang akda. Sa mga akda niya, may mga tauhan, ngunit sa kanyang di-piksyong akda, siya ang karaniwang tauhan.
TAUHAN:
Ang tauhan sa akdang “56” ay si Bob Ong.  Siya ang tagapagsalaysay sa akda dahil ikinukuwento niya rito ang kanyang pamumuhay.  Upang mas maging makulay ang kanyang kuwento, may mga tauhan siya sa kanyang imahinasyon na kung tawagin ay mga ‘Pokemon’. Lagi silang nasa ulo ni Bob Ong upang makontrol ang isip at desisyon niya.  Nagkaroon naman ng cameo ng ibang tauhan tulad ng kanyang mga kamag-anak, guwardiya, barbero, at iba pa.
NILALAMAN:
Ang pamagat ng bawat kabanata ng akda ay nagsasalaysay ng kanyang testimoniya ng kanyang karanasan.  Halimbawa, ang kabanatang “Registered Voter” ay tumatalakay sa buhay ng isang taong tumungtong na sa edad na labingwalo (18) tulad na pagiging rehistrado bilang botante, pagkakaroon ng lisensya sa pagmamaneho, paunang pananaw sa pakikipagtalik, at pananaw sa pamahalaan.  Ang kabanatang “Housemate” naman ay isinasalaysay ang pagkakaroon ng kasintahan at buhay na may asawa na.
Sa bawat kabanata ay may mga paksang maaaring gamitin sa mga aralin.  Tinalakay sa kabanatang “Pal” kung paano magbasa nang epektibo. Sa “Registered Voter” naman ay tinalakay ang pagbibigay ng opinyon at ang mga logical fallacy na nagagamit habang ibinibigay ang opinyon.  
Ang pagsulat ng akda ay parang isang burador.  May mga linyang ‘binura’ upang makitang ito ay ‘mali’. Ginawa ito para sa katatawanan at ‘censorship’ ng ibang pangungusap na hindi akma sa ibang mambabasa.  Ang kanyang mga ‘Pokemon’ ay nagsisilbing mga ‘boses sa ulo niya,’ kaya nakokontrol nila ang isip ni Bob Ong.
May mga repleksyon ding nailabas si Bob Ong bilang isang manunulat.  Isinalaysay niya ang paliwanag sa pamagat ng akdang ito sa huling pahina ng aklat. Dito niya napagtanto ang kanyang karanasan na hindi niya makakalimutan sa kanyang pagsulat.
TEMA:
Maraming tema ang nakapaloob sa aklat, depende kung anong babasahin na kabanata.  Ang pangunahing tema ng aklat ay ang pagpapahalaga sa buhay. Simula sa unang pahina hanggang sa huling pahina ay tinalakay ni Bob Ong ang buhay niya.  Ikinuwento niya ang pagkakaroon ng asawa at pagbuo ng pamilya, pakikitungo niya sa ibang tao, paggamit ng social media, at iba pa. Dito niya nailabas ang kanyang mga damdamin niya sa kanyang mga karanasan.  
WAKAS:
Kung ako ang magbibigay ng panibagong wakas sa aklat, ganito ang aking sasabihin:
“Nabasa niyo na ang aklat na ito.  Kung gusto niyong maintindihan ang mga pinagsasabi ko rito, basahin niyo ang iba kong mga aklat.”
Mailalabas ko sa wakas na iyan na basahin at tangkilikin nila ang aklat na isinulat ng mga Pilipino at pahalagahan ang pagbabasa at pagsusulat.  Makikilala rin nila si Bob Ong sa iba pa niyang aklat.
ARAL:
Natutunan ko sa akdang “56” na may stress na mangyayari sa buhay, galing man ito sa maliit na bagay o isyung panlipunan.  Mahalagang ikatuwa na lamang ang ibang nanyari sa stress na pinagdaanan. Aral na rin, kung tutuusin, ang tema ng aklat. Sa pagpapahalaga sa buhay, makikita natin kung ano ang gusto nating gawin sa hinaharap.

IBA PANG AKLAT NG MAY-AKDA:
Babasahin ko rin ang aklat na “Si” dahil sa pagkakasulat nito.  Ang aklat ay kailang basahin dalawang beses, ayon sa ibang mga nakabasa nito.  Ang wakas ng unang pagbasa ay ang panimula sa ikalawang pagbasa. Ito ang unang sabak ni Bob Ong sa pagsulat ng kuwentong pag-ibig.
REKOMENDASYON:
Ang aklat na “56” ay ipapabasa ko sa ibang mambabasa.  Siguradong matatamaan at matatawa ang ibang mga kabataan dahil sa tema at nilalaman ng akda.

Comments