"Gabriel" ni Psyche

‘Gabriel’



Ilang taon na ba ang lumipas?
Naaalala mo pa kaya ako?
Iniisip mo rin kaya ako gaya nang araw-araw kong pagisip sa’yo?
Mababalik pa kaya ang dati?
O tuluyan na itong nilimot ng panahon?


Minsan naiiisip ko bakit hindi mo na ako pinapansin.
Samantalang nasa tabi mo lang naman ako.
Hindi mo ba nakikita ang mga bagay na ginagawa ko para sa’yo?
O baka nakikita mo naman, sadyang ayaw mo lang pansinin


Sabi ng isip ko sukuan na kita, pero ang sabi ng puso ko ituloy ko pa.
Sabi ng iba itigil ko na pero sabi ko kaya pa.
Sabi ko babalik rin sa dati. Babalik ang lahat sa dati.
Ang dati na parte pa ako ng mundo mo.
Balikan natin sa umpisa.
Bumalik tayo sa umpisa kung paanong ako ang lagi mong karamay.
Kung paanong ako ang lagi mong takbuhan
Kung paanong ako ang lagi mong kasama sa mga masasaya at malulungkot na pangyayari.
Bumalik tayo sa dati. Balikan natin ang dati.


Ngunit biglang nabago ang ikot ng mundo.
unti-unti mo na akong nalimutan
Unti-unti mo na akong nilayuan.
Unti-unti mo na akong iniwasan.


Iba na ang lagi mong kasama
Iba na ang lagi mong hinahanap
Iba na ang lagi mong takbuhan
Iba na ang lagi mong sandalan.


May pag-asa pa ba?
May pag-asa pa bang mabalik sa dati?
Ang dati na masaya pa ang lahat?
O parte na lamang ito ng kahapon at isa na lamang itong matamis na alaala.


Anak, maalala mo sana ang dati
Ang mga panahong lagi akong parte ng iyong panalangin
Anak, makalimutan mo man ako, ako ay mananatili sa iyong tabi
bilang iyong tagabantay mula sa langit.



Comments