"Hand Sanitizer" ni Montes

HAND SANITIZER

Iminulat ko ang aking mga mata, naninibago at nasa ibang lugar na ako. Sabay gulat, takot at tuwa ang naramdaman ko nung sinusuri ko ang lugar. Huling naalala ko ay nasa loob ako ng isang plastic bag kasama ng mga iba kong kauri. Eto na ba? May bago na ba akong pamamahay? Maliit at masikip man siya pero ako’y nagpapasalamat dahil, sa wakas, magkakaroon na ako ng mga kaibigan.  Hindi ko lang alam kung paano ako kikilos o paano ako makikipag usap sa kanila.

Habang kinakusap ko ang sarili ko, may biglang nagsalita sa aking tabi. Ako’y binati niya ng malugod at pinakilala niya ang kanyang sarili. Nabanggit niya na matagal na siya at kanyang mga kasama na nakatira dito sa loob ng bag ng isang estudyante. At ngayon na lang ulit sila magkakaroon ng kasama na tulad ko.

Sana naman ay makasundo at maging kaibigan ko silang lahat agad. Sana ay makasama ko sila ng matagal na panahon.

Ipinakilala ko rin ang aking sarili. Sinabi ko na mayroon akong maliwanag na personalidad, palaging masayahin at masigla. Ako’y laging positibo at palaging may ngiti sa aking mukha. Maliit man ako ngunit ako’y punong-puno ng sigla. Isa-isa rin silang nagpakilala sa akin. Simula sa pinakamalapit sa akin, hanggang sa nandoon sa kabilang dulo.


At nung nakita ko siya, ako’y natulala. Wala akong masabi o maisip kundi sa ‘wow’. Hindi ko maipahayag kung ano ang nararamdaman ko. Bawa’t salita nya, ako’y napapahanga.


Araw araw, nararamdaman ko na, unti-unti na ‘kong nahuhulog sa kanya. Sa kanyang pagmumukha at lalo na sa kanyang kabutihan. Napakabait niya, palaging nandiyan tuwing may problema, at nandiyan pa rin kahit wala. May mga pagkakataon na bigla na lang akong napapangiti tuwing naiisip ko siya. Yun tipong, ngingitian niya lang ako at ako’y mapupuno ng kilig. Nguni’t, wala akong sapat na tapang na aminin sa kanya ang aking niloloob.


Sa bawa’t araw, nararamdaman ko na, unti-unting pagkakaiba sa aking karamdaman. Nag iiba na ang aking galaw, hindi na ako puno ng sigla. Madalas, tahimik na lamang ako, walang ganang makipag-usap sa iba. Pati sila napapansin na ang pag iba ng kilos ko. Nababawasan na ang kalooban ko. Araw-araw, pa-unti ng pa-unti.


At doon ko na lang naintindihan kung ano ang nangyayari sa akin. Humihina na ‘ko. Gumuho ang mundo ko. Ang mundo kong bilang na lang ang mga araw. Na bigla-bigla na lamang kinuha ang aking kasiyahan.


Kailangan ko na siyang bitawan. Masakit, pero kailangan. Sa bawa’t araw na lumilipas, nararamdaman ko ang pagbawas at paghaina ko. Tunay ngang madaya ang tadhana. Hindi ko man naipahayag ang tunay kong damdamin, pero sana may naibahagi ako sa buhay niya.
Masaya ako na tinanggap nila ako bilang kanilang kapamilya. Masaya ako na kahit sa konting saglit ko silang nakasama, ang dami kong magagandang alaala.


Sana, napasaya ko sila, na mas lumiwanag ang kanilang buhay. Sana, hindi nila ako makalimutan. Sana, napasaya ko siya, na mas lumiwanag ang kanyang buhay. Sana, hindi niya ‘ko makalimutan.


Subali’t, kinakailangan ko nang magpaalam. Maghihintay ako na baka sakaling pagtagpuin uli tayo ng tadhana.  


Hanggang sa muli, mahal ko.  

Comments