Ang mga Kaibigan ni Mama Susan


"Ang mga Kaibigan ni Mama Susan" ni Bob Ong
Suring Basa ni Castellan Madelin

PAMAGAT:
Isa sa mga rason kung bakit ko ginustong basahin ang libro na ito ay dahil sa pamagat nito. Nung nalaman ko na mayroon isang libro si Bob Ong tungkol sa horror, naisip ko na gusto ko basahin yung libro na iyon. Hinanap ko ang mga libro ni Bob Ong sa internet at nung nakita ko ang pamagat na ito, nalaman ko na agad na ito yung libro na gusto kong basahin. Sigurado ako na ito yung libro ni Bob Ong tungkol sa horror dahil nakakatakot at “creepy” pakinggan ito. “Ang mga Kaibigan ni Mama Susan”, sino ba si Mama Susan? Sino yung mga kaibigan niya? Bakit ito ang naging pamagat ng libro? Ayun ang mga tanong na pumasok sa isip ko nung una kong nakita ang pamagat na ito.

MAY AKDA
Aamin ako. Bago ibigay sa amin ang “Activity” na ito, hindi ko kilala si Bob Ong. Ang kilala kong Bob Ong ay isang sikat na Twitter user na mahilig mag post ng mga “quotes” at mga hugot. Pero natutuwa ako na kilala ko na siya ngayon.
Nung una ay medyo natatawa ako sa pangalan niya dahil kapag sinabi mo ng mabilis ang kanyan pangalan, nagiging parang mura ito. Dahil dito, hindi ko alam kung ano ang aking dapat asahan sa kanya.  Pero nung nabasa ko ang libro na ito, nag-iba ang pagtingin ko sa kanya. Yung mga naririnig ko na tunay na mahusay magsulat si Bob Ong ay napatunayan sa akin ng libro na ito.
Habang binabasa ko ang libro na ito, unti-unti kong nalaman kung bakit sobrang sikat ni Bob Ong at kung bakit sobrang dami niyang “fans”. Nakita ko ang malikhain niyang paraan ng pagsusulat, at ang kakaiba niyang paraan ng pagkuwento ng storya.

TAUHAN
Medyo marami-rami ang mga tauhan sa libro na ito. Mayroong isang pangunahing tauhan, at medyo maraming “supporting characters”. Ang pangunahing tauhan sa storya na ito ay si Gilberto P. Manansala na may palayaw na Galo. Isa siyang mag-aaral sa kolehiya na biglang inatake ng mga bangungot simula ng maghiwalay sila ng kanyang girlfriend. Iniwan siya ng kanyang mga magulang sa kanyang lola, si Mama Susan, sa probinsya, pero lumipat siya sa Maunila nung siya ay pumasok sa sekondaryang pag-aaral at nakitira sa kanyan tito at tita kasama ang kanyang mga pinsan.
Si Galo ay mahusay magsulat na napatunayan sa kanyang mga journal entry sa kanyang journal na ginagawa para sa isa sa mga klase niya sa kolehiya. Madali lang sa kanya maipahayag ang mga nasa isip niya at mahilig din siya magsulat. Siya ay may pagka-arte at pagka-“bitter” sa buhay kaya nakakatawa ang mga opinyon niya tungkol sa mga nangyayari sa buhay niya. Mahilig din siya magreklamo sa mga bagay na hindi niya gusto kahit alam niyang wala itong mapapala.
Isa pang masasabi ko tungkol sa kanya ay marami siyang dinadalang mabibigat na damdamin. Kahit hindi niya pinapakita, siya ay nahihirapan at nasasakal sa lahat ng kanyang mga hinaharap. Ayaw niyang pinapakita na siya ay naapektuhan ng kanyang mga problema kaya nagkukunware siyang wala siyang masyadong pakielam sa mga bagay.
Isa pang tauhan na nagustuhan ko talaga ay si Jezel. Si Jezel ay isa sa mga bata na inaalagaan ni Mama Susan sa probinsya, at kapatid ni Niko. Siya ay limang taong bilang lamang, at siya ay sobrang nakaka-intriga. Hindi siya mahilig mag-salita, at parang laging sobrang takot tuwing gabi. Nalaman ni Galo na ganun si Jezel dahil siya ay mayroong “Third Eye”. Nagustuhan ko talaga ang karakter ni Jezel nung nabanggit ni Galo sa isang journal entry niya na nakikita ni Jezel ang mga “kaibigan” ni Mama Susan. Ibig sabihin, mayroon talagang mga nilalang na hindi tao sa bahay ni Mama Susan, at itinituring ni Mama Susan ang mga nilalang na ito bilang kanyang mga kaibigan.
Nagustuhan ko lang talaga si Jezel dahil ibig sabihin noon, matagal nang nakikita ni Jezel ang mga kaibigan ni Mama Susan at hindi parin sila umalis ni Niko sa bahay na iyon. Kaya kahit natatakot si Jezel, natatapangan ako sa kanya dahil kinaya niya tumira doon ng sobrang tagal ng hindi bumibigay sa takot niya. Nakakabilib lang dahil siya ay limang taong gulang pa lamang.

NILALAMAN NG KWENTO
Ang kwentong “Ang mga Kaibigan ni Mama Susan” ay tungkol sa buhay ni Gilberto P. Manansala, o Galo, at kung paano niya tinitignan ang mundo. Siya ay isang College student na nanggaling sa “broken family” na may hinaharap na mga problema sa buhay. Kung titignan mo parang sobrang bagay ng “plot” na ito para sa isang “coming of age movie”.
Isinulat ni Bob Ong ang libro na ito na parang “Journal” na may nilalamang mga “Journal Entry”. Lumalabas, ang libro na ito ay ang Journal ni Galo na dapat ipapasa niya sa isa sa mga klase niya sa kolehiya. Nung una ay nabagalan ako sa storya. Dahil parang journal nga ang storya na ito, halos lahat ng ginagawa ni Galo ay sinusulat niya dito. Kahit yung simpleng pag-inom ng tubig ay nilalagay niya dito. Pero hindi ako nagsasawa dahil nakakatawa ang mga opinyon ni Galo sa mga nangyayari sa buhay niya at nakakatuwang basahin kung paano siya magreklamo tungkol sa mga guro, pinsan, at mga kaibigan niya.
Sa pangalawang kalahati naman ng storya, ay naganahan talaga ako magbasa dahil unti-unting pumasok na ang “horror” sa storya. Nagsimula pumasok ang katakutan nung si Galo ay bumalik sa probinsya dahil may sakit daw si Mama Susan. Doon niya nalaman na ang Mama Susan na kilala niya nung bata siya, ay wala na.  Ang bahay ni Mama Susan na puno ng mga libro at magazine tungkol sa iba’t-ibang bagay ay napalitan ng mga imahen ng mga iba’t-ibang mga santo (?) na hindi niya kilala at ngayong niya lang nakita.
Nagulat din siya dahil kada alas-tres ng umaga, may mga pumupunta sa bahay ni Mama Susan para magsimba. Pero medyo naweirduhan si Galo dahil imbis na parang normal na misa, para silang isang kulto kung magsimba.
Sunod-sunod na ang pagdiskubre ni Galo sa mga nakaktakot na bagay tungkol sa kanyang lola. Kagaya ng isang kwarto sa ikalawang palapag ng bahay kung saan mayroong mga katawan ng mga matatandang babae na nakasuot ng mga mahahabang belo na nakaupo paikot sa isang lamesa, o ang mga “kaibigan” ni Mama Susan na nakikita ni Jezel sa loob ng bahay.
Sa dulo ng libro, pinakita na halatang nagmamadali na si Galo magsulat. Yung tipong parang nauubusan na siya ng oras. Hindi na pareho ang pagsusulat niya sa kung paano siya magsulat dati, maayos at madaling basahin. Sinabi ni Galo na nung binasa niya ang journal niya ulit, mayroong mga parte na nasa latin na hindi siya ang nagsulat. Nagbigay siya ng babala na wag daw babasahin ang hindi naiintindihan. Sinabi niya na ilalagay niya sa harapan ng libro na it ang babala. Pagkatapos noon, tulutan nang lumabo ang pinagsasabi niya at naging latin. Ang mga parting latin din ay makikilabutan ka kapag isinalin mo sa Ingles o Filipino. Ang huling nasulat sa journal ay para sa nagbabasa. Tinatanong nung nagsulat kung nararamdaman ko ba ang mahigpit na yakap sa akin ngayon ng isang kaibigan.

TEMA
Ang kwentong ito ay may temang “horror” at trahedya. Naging “horror” ang tema nito dahil kahit medyo mabagal sa simula ang storya, ang lakas ng pasok ng katakutan sa bandang dulo. Galing sa mga sobrang “creepy” na mga entry sa journal ni Galo na parang hindi naman siya ang nagsulat, sa pabago-bagong boses ni Mama Susan nung ikinukuwento na niya kay Galo kung paano siya pinapanood at binabantayan ng kanyang mga kaibigan, unti-unting sinisingit ni Bob Ong ang “horror” sa storya hanggang mapapatigil ka sa pagbabasa at sisiguraduhin mong walang nasa likod mo. Naging trahedya din ang tema dahil sa storya ni Galo. Kung paano siya iniwan ng Nanay niya sa lola niya para magtrabaho sa abroad, at kung paano hindi na siya nabalikan ng nanay niya dahil siya ay namatay. Ang rason kung bakit siya iniwan ng kanyang girlfriend na kanyang nabuntis, at kung paano hindi nagkaroon ng pagkakataon mabuhay ang anak nila dahil nagpa-abortion ang kanyang girlfriend.


ARAL NA NATUTUNAN SA AKDA
Nung una kong binasa ang libro na ito, hindi ko inintindi ang mga aral na ibinibigay nito dahil ako ay nalunod sa pagbabasa ng storya.  Pero ngayong nabasa ko na ang libro ulit at napag-isipan ko na, mayroon akong nakitang tatlong aral sa libro na ito.
Una, matutong makontento at mapasalamat sa kung ano ang mayroon ka. Si Galo na hindi nakontento sa buhay niya sa Maynila at naiinis sa kanyang tito, tita, mga pinsan, at buhay sa kolehiya, ay umalis sa maynila at pumunta sa probinsya. Dahil doon, nalapit pa siya sa kapahamakan at napasabak sa hindi niya naiintindihan.
Pangalawa, matutong lumapit sa Diyos hindi lamang kapag may kailangan ka sa kanya, ngunit sa bawat pagkakataon na kaya mo. Alam kong hindi para sa lahat ang aral na ito pero aral parin ito. Binanggit ni Mama Susan na hindi maliligtas si Galo ng Diyos niya kahit magdasal pa siya ngayon. Sa palagay ko, sinabi niya iyon dahil alam niyang hindi talaga maka-Diyos si Galo at nagdadasal lamang siya kapag siya ay may kailangan.
Pangatlo, dapat nating harapin ang mga epekto ng ating mga desisyon at gawain. Hindi dapat natin ito takbuhan. Sinabi din ni Mma Susan na si Galo ay duwag at masamang tao. Sinabi niya na matagal na siyang pinapanood at binabantayan ng kanyang mga “kaibigan” at habang nagbabago-bago ang kanyang boses, iniliaad ni  Mama Susan lahat ng kasalanan ni Galo at kung paano niya tinakasan ang mga ito.


SARILING WAKAS
Para sa akin maganda na ang wakas. Sa dulo ng journal ni Galo, halatang nagmamadali na siya magsulat.  Bakit? Hindi niya sinabi, pero sa tingin ko ay dahil nararamdaman na niya na onti nalang ang oras niya. Ang mga salita ay nagdidikit-dikit na, hindi na niya nabibigyan ng tamang paggamit ng malaking titik ang mga sinusulat niya, at bigla nalang naging latin ang mga sumunod na salita.
Pero kung bibigyan ko ng ibang wakas ang libro, gagawin ko may isang huling journal entry sa dulo. Ang journal entry na ito ay ilang buwan pagkatapos ng huling journal entry at isang pangungusap lamang ang nilalaman nito. “Hindi mo dapat binasa ang hindi mo naiintindihan.”


IBANG AKLAT NG MAY AKDA
Kung ako ay may pipiliing ibang libro ni Bob Ong na babasahin, pipiliin ko ang “Lumayo Ka nga Sa Akin”. Gusto ko basahin ang libro na ito dahil sa kaunting parte ng unang kabanata na nabasa ko, nakakatawa ang storya na ito. At nung iniskan ko ang libro, nakita mayroon palang tatlong storya sa libro na iyon. Ang unang storya ay “Bato sa Bato, Satsat sa Satsat, Kmao sa Kmao”. Hindi ko alam kung ano yung sumunod na dalawang storya pero nga sa kaunting nabasa ko sa unang kabanata ng unang storya, mukhang maganda ang libro na ito basahin.


IREREKOMENDA MO BA ANG LIBRONG BINASA SA IBA? BAKIT?

Oo. Irerekomenda ko ang librong ito sa iba. Lalo na sa mga taong mahilig sa “horror”. Kung tutuusin narekomenda ko na nga ang libro na ito sa kasambahay naming eh. Gustong-gusto niya hiramin yung libro ko nung kinuwento ko sa kanya na sobrang ganda ng libro na ito. Gusto ko rin irekomenda itong libro sa iba dahil gusto ko makita ang reaksyon nila sa wakas ng libro kung saan nabitawan ko ang libro sa halong takot at galak na ibinigay sa akin nito.  

Comments