Macarthur

“Macarthur” ni Bob Ong
Suring Basa ni Montes
PAMAGAT
Ang pamagat ng libro na binasa ko na isinulat ni Bob Ong ay ‘Macarthur’. Ipinangalan ang aklat na ito kay Douglas MacArthur, isang Amerikanong General na naging Field Marshal ng Philippine Army. Naging isang importanteng tao siya nung World War II sa laban sa Pilipinas at ng mga Hapon.
Habang binabasa ko yung libro, hindi ko maintindihan ang kaugnayan ni MacArthur sa libro. Karamihan sa mga nagawa ni MacArthur ay tungkol sa Army pero ang libro ay tungkol sa mga magkakaibigan na maraming bisyo at kung paano nila hinaharap ang mga buhay nila. Sa kalagitnaan ng kuwento, binanggit ang sikat na linya ni MacArthur na “I shall return”. Ngunit, nung binanggit ang linya na ito, ang pinaguusapan nila ay tae na walang kaugnayan o kahulugan sa linya.
Subalit, nung natapos ko na yung libro, naintindihan ko na kung bakit Macarthur ang pamagat nito. Ang isang tauhan na si Noel, siya ay galing sa maayos na pamilya na mayroong maayos na kinikita pero nag-away sila nang kanyang magulang at pinalayas siya. Madami siyang napagdaanan at napagtanto habang nakatira siya sa bahay ng kaibigan niya na si Cyrus. At sa katapusan ng kuwento, siya ay bumalik sa kanilang pamamahay at siya ay tinanggap muli ng kanyang pamilya. Ipinapakita ng sitwasyon ni Noel na kinakailangang magbago ang pagkatao at pamumuhay upang makabalik sa tamang direksyon ang buhay.

TAUHAN
Ang mga pangunahing tauhan sa Macarthur ay si Voltron, Cyrus, Jim at Noel. Sila ang apat na magkakaibigan na galing sa iba’t ibang pamumuhay at karanasan pero nagkasundo at naging magkakasama dahil sa bisyo.
Hindi ganon ka talino si Voltron pero isa siyang maligaya at positibng tao kahit nahihirapan siyang tulungan ang kanyang lima pang mga kapatid (panganay si Voltron). Natuwa ako sa katauhan ni Voltron dahil wala siyang pakialam sa mga sinasabi ng ibang tao kahit “hindi proportional ang katawan” niya at “kapag nagsasalita ay nagpapa-ulan ng laway”. Tuwing magkakasama sila ng mga kaibigan niya, siya ang palaging napapagtripan at ang simula ng mga ‘laughtrip’. Sa kabila nito, hindi siya apektado at nakikisama pa sa kanyang mga kaibigan. Hangga’t  isang trahedya ang nangyari sa kanya. Nabigla at nalungkot ako sa biglaang kamatayan ni Voltron; namatay siya sa trabahong hindi niya ginusto pero kinailangang gawin, para magamit ang pera para makatulong sa kanyang pamilya. Naawa ako kay Voltron dahl hindi niya naramdaman ang totoong pagmamahal sa kanya ng kanyang ina. Sa kalagitnaan ng istorya, may parte na umiinom ang mga magkakaibigan kasama si Aling Seding (Nanay ni Voltron). Sinabi niya, “Kung mamamatay man ‘tong hinayupak na ‘to di ko rin mamamalayan dahil walang pakinabang eh!”. Sa dulo ng istorya, nang natuluyan na namatay si Voltron ay saka lang nasabi ni Aling Seding na mahal niya ang kanyang anak.
Sa simula palang ng istorya ay bilib na bilib na agad ako kay Cyrus dahil sa paglunok niya ng kuwintas para hindi siya mahuli ng pulis. Nakita ko rin ang kanyang pagiging masunurin at magalang na apo noong siya ay nakikipagusap sa lolo niya, si Mang Justo, na tinutukoy niyang ama. Mas lalo akong napabilib kay Cyrus noong nagkasakit si Mang Justo. Ginawa niya ang lahat ng kanyang  makakaya para maipagamot ang kanyang lolo. Kahit ayaw niyang bumalik sa pagnanakaw at bisyo, ginawa niya pa rin dahil ito lang ang alam niyang mabilis na paraan para matulungan ang lolo niya. Gumaan ang loob ko nung sinabi na maayos na ang kalusugan ng lolo ni Cyrus. Ngunit, bigla rin nawala nung biglang namatay si lolo dahil nabaril ni Cyrus. Ang saklap ng nangyari kay Cyrus dahil pagkatapos ng lahat ng ginawa at ginastos ni Cyrus para sa kanyang lolo, siya rin ang naging dahilan ng pagkamatay ng lolo niya. Naawa talaga ako kay Cyrus dahil mahal niya talaga ang kanyang lolo at hindi ko maiintindihan ang bigat ng naramdaman niya. Ang kanyang pagbibisyo ang naging kapalit ng buhay ng kanyang minamahal na lolo.
Sa lahat ng magkakaibigan, walang masyadong epekto sa akin ang tauhan na si Jim. Ngunit, nakita ko talaga ang paglago niya. Ginagawa niya lahat ng paraan para lang makakita ng pera para sa kanyang pamilya. Si Jim rin ang nag bigay ng ideya sa mga magkakaibigan na magsimula ng isang negosyo. Siya ang dahilan kung paano sila nakaiwas sa bisyo. Nakita ko kung paano mag sakripisyo ang isang magulang para sa kanyang anak.

Hindi ko nagustuhan ang katauhan ni Noel sa istorya na ito. Hindi siya marunong magpasalamat sa mga pagpapala niya sa buhay. Sa kanilang magkakaibigan, siya lang ang may buo na pamilya, maayos na bahay, may pera at nakakapag-aral. Ngunit, hindi niya ‘to binigyan ng kahalagahan at iniisip niya lang ang sarili niya. Nagawa niya pang ibenta ang mga gamit ng kapatid niya, pati na rin mga gamit sa bahay nila,  para mabayaran ang pang exam niya, ginamit niya kasi yung pera na dapat pang bayad niya, para sa bisyo. Naawa rin ako sa kanyang inay, kahit siya ay nagkakamali at pasaway, nagagawa pa rin siyang ipagtangol at mahalin ng nanay niya. Subali’t, habang palapit na sa katapusan ng kuwento, mas nagugustuhan ko na ang katauhan niya, nagkaroon siya ng maayos at malaking character development. Nung siya’y pinalayas sa bahay, mas napagtanto niya ang importansya ng pamilya.

NILALAMAN
  1. SIMULA
Sa simula pa lamang ng kuwento, aksyon na agad ang ipinakita. Akala ko tungkol sa taong ninakawan yung istorya, yun pala, tungkol sa mga magnanakaw. Nagulat ako sa eksena na nilunok ng isang tauhan yung kuwintas para hindi mahuli ng pulis. Naguluhan pa ako nung simula dahil madami silang mga tauhan na kailangan kong kilalanin. Subali’t, nagustuhan ko na agad yung takbo ng istorya sa simula palang dahil naintriga ako sa mga natatanging pagganap ng mga tauhan.

  1. GITNA
Sa bawat kabanata, nag-iiba kung kaninong buhay o istorya ang kinukwento. Kaya’t ako ay naguguluhan pa at kinakailangan kong basahin ulit para malaman kung sinong tauhan na ang tinutukoy at maintindihan ng mabuti ang mga pangyayari. Mas lalo kong nakilala ang mga katauhan at nakita ang ibang klaseng pagkakaibigan nila. Nagkakaundo silang lahat kahit galing sila sa iba’t ibang klasang pamumuhay. Wala masyadong nangyari sa gitna ng istorya. Ipinakilala lang ang mga tauhan, ang kanilang buhay at ang samahan nilang magkakaibigan.  Natuwa man ako sa takbo ng istorya, subali’t napagtanto ko rin ang katotohanan ng kahirapan sa mga kabataan. Nagalak din ako sa character development ng magkakaibigan at nagpasya sila na magsimula ng legal na negosyo para makaipon ng pera.

  1. WAKAS
Sa katapusan ng istorya, naintindihan ko na ang relasyon at kung paanong konektado ang mga istorya nilang apat. Ngunit, ako’y nalungkot at lahat ng pinaghirapan nila para maging mas matino at masaya ay unti-unting nawala. Nagsimula ang mga trahedya pagkatapos palayasin si Noel sa kanilang bahay. Nagulat at nalumbay ako noong na ospital ang lolo ni Cyrus, kasabay sa biglaang pagkamatay ni Voltron. Hindi ko masyadong naintindihan ang pagkamatay ni Voltron, kaya’t pa ulit-ulit ko itong binasa hangga’t naintindihan ko.

Nanliit ako sa mga ginawa ni Cyrus para makakuha ng pera, lalo na nung nasa banyo siya at nilulunok ang mga sachet ng droga. Nakita ko ang mga sakripisyo at sakit na pinagdaanan ni Cyrus para lang maipagamot ang lolo niya. Dito ko rin nakita kung gaano niya kamahal ang lolo niya. Kaya’t ubod ng saya ang naramdaman ko nung bumuti na ang pakiramdam ni Mang Justo. Pero, sandali ko lang naramdaman yung saya na yun at biglaang namatay si Mang Justo, nabaril ni Cyrus. Gusto kong sisihin si Cyrus sa ginawa niya pero hindi ko rin yun magagawa dahil alam ko kung gaano niya minahal ang lolo niya. Alam ko na buong buhay niyang pagsisisihan ang kasalanan na nagawa niya. Kaya’t naaawa rin ako kay Cyrus, siya pa naman ang pinakabata sa kanilang magkakaibigan pero siya ang may pinakamabigat at mahirap na buhay.

Kahit na ang katapusan ay bumalik sa tahanan si Noel at tinanggap siya ng pamilya niya, hindi ko mapilit ang pakiramdam na parang bitin ang istorya. Gusto ko pang malaman kung ano ang nangyari sa kanilang lahat, lalo na kay Cyrus at sa pamilya ni Voltron.

TEMA
Ang tema ng Macarthur ay realidad. Pinapalabas ng istorya ang mga katotohanan, pero hindi binibigyan ng kahalagahan ang mga situwasyon, sa ating bansa. Hindi pina-ganda ni Bob Ong ang istorya. Hindi niya pinalitan ang mga tauhan para maging larawan ng katotohanan sa mga babasa. Pinakita niya talaga ang realidad, gaano man kalala o bigat ang sitwasyon. Ginawa niya ito para mas lalong maintindihan ng mga tao at makita nila ang kabilang panig.
LINYA
“Dalawang dekada ka lang mag-aaral. Kung di mo pagtitiyagaan, anak, limang dekada ng kahirapan ang kapalit. Sobrang lugi.”
– Mang Justo (Lolo ni Cyrus)
Pagkabasa ko ng linya ni Mang Justo, bigla akong napaisip kung gaano katotoo at puno ng karunungan ang sinabi niya na hindi masyado naiintindihan ng mga kabataan ngayon. Sa henerasyon ngayon, nag-iiba na ang mga prayoridad ng mga estudyante at nag-iiba na ang pananaw nila sa pag-aaral. Mas higit nilang pinipili ang mga hindi kinakailangan na bagay kaysa sa sarili nilang edukasyon. Sa linyang eto, ipinapakita ni Mang Justo na ang edukasyon ay isang susi para iligtas ang mga tao sa kahirapan. Kapag sila’y nagsikap at nagtiis mag-aral sa loob ng dalawang dekada, magiging maayos ang kinabukasan nila.

PAGKAMALIKHAIN
Seryoso ang istorya dahil tinatalakay nito ang mga totoong nangyayari sa ating kapaligiran. Binigyan niya ng pansin ang mga iba’t ibang isyu sa pulitika. Inilantad ni Bob Ong ang pagkukulang at pagkabigo ng gobyerno hinggil sa edukasyon, kawalan ng trabaho at benepisyo sa kalusugan ng mga tao.
Ngnuni’t, hindi nararamdaman ang bigat ng tema dahil may halong komedya tuwing magkakasama ang magkakaibigan. Kahit may komedya, maayos at klaro pa ring naipaabot ang mensahe ng kuwento sa mga mambabasa. Kahit na madaming tauhan at may iba’t ibang kuwento sila, konektado pa rin lahat at ipinakita ito sa dulo ng kuwento.
Bawat kabanata, iba’t ibang emosyon ang naranasan ko, nadala agad ako sa mga katauhan at naisapuso ko ang mga pinagdaanan nila. Habang nagbabasa ako, naramdaman ko ang kaligayahan, kalungkutan, kaba, galit at gulat. Nakuha rin ni Bob Ong ang interes ko at balbal ang ginamit niyang uri ng salita, na parang pagsasalita talaga ng mga kabataan ngayon.  

IPABABASA MO BA SA IBA? O HINDI?
Irerekomenda ko talaga ang Macarthur sa iba dahil napakahusay ng pagkakasulat ni Bob Ong tungkol sa realidad na nangyayari sa mga lugar sa Pilipinas. Madami ang matututunan sa istoryang ito at magpapamulat sa mga pinagdadaaan ng mga kabataan na galing sa hirap. Sa istoryang ito ay makikita rin ang pagmamahal ng isang magulang, ang pagkakaisa ng mga magkakaibigan na hindi nang-iiwan sa oras man ng hirap at hindi pa huli upang ayusin ang buhay, kinakailangan lang ng dedikasyon. Ibang sitwasyon at istorya ang ipinakita ng apat na katauhan pero ang bawat isa ay tatatak sa puso ng magbabasa. Magkasabay nilang mararanasan ang matawa at maluha sa aklat na ito.

Comments