Ang Sagot ni Psyche
“SUSUGOD KA PA BA SA ISANG DIGMAAN KUNG ALAM MONG IKAW NA LANG MAG-ISA ANG LUMALABAN?"
Susugod ka pa ba sa isang digmaan kung alam mong ikaw na lang mag-isa ang lumalaban? Sa totoo lamang, nakakatakot, naduduwag ako sumugod lalo na’t alam kong mag-isa na lamang akong lumalaban. Nakakatakot sumugal at tumaya dahil walang sigurado. Hindi mo alam kung anong kahihinatnan ng pagsugod sa laban; maaaring talo, pwedeng panalo, iisa lang ang magiging hatol. Ngunit ayokong mabuhay na puno ng pagtatanong, puno ng pangangamba at walang kasiguraduhan. Mas pipiliin kong sumugod at sumugal nang mag-isa sa isang digmaan kesa araw-araw ako gigising na puno ng tanong sa sarili: paano kung kinaya ko pala? Paano kung nagtagumpay ako? Napakaraming tanong ng buhay, ngunit iisa lang ang sigurado. Paano mo malalaman kung hindi mo susubukan?
Hindi masama sumugal at tumaya sa digmaan ng buhay, ano man ang maging resulta o kahihinatnan. Paano kung matalo? Okay lang ‘yan! Ang mahalaga ay sinubukan mo at ginawa mo ang iyong makakaya, wala kang pagsisisihan. Eh paano kung manalo? Edi sakto, mas masarap sa pakiramdam ang tagumpay lalo na’t kapag alam mong buong tapang mong hinarap ang digmaan ng buhay.
Comments
Post a Comment