Kapitan Sino
“Kapitan Sino” ni Bob Ong
Suring Basa ni Mr. Yoso
MAY AKDA (PAANO PINAKITA NG MAY AKDA ANG PAGKAMALIKHAIN):
Ang may akda ng aklat na Kapitan Sino ay si Bob Ong. Naipakita niya ang kanyang pagkamalikhain sa paggamit ng pangalang pansulat, ngunit bukod sa ibang mga manunulat, ang tunay na pagkatao ni Bob Ong ay hindi pa sigurado. Maraming nagsasabing ang aklat na ABNKKBSNPLAko?! ay kanyang talambuhay, ngunit mayroon ring mga taong naniniwala na si Bob Ong ay isang grupo ng mga manunulat. Ang pangalan niya, Bob Ong, ay pinaniniwalaang galing sa kanyang ginawang website, na pinangalanang “Bobong Filipino” na dahilan para pagkamalan siya bilang isang tao na nagngangalang Bob Ong. SImula doon, ginamit niya na ang pangalang iyon.
MGA TAUHAN (ANO ANG MASASABI MO SA MGA TAUHAN?):
Ang mga tauhan sa kwento ay sila Rogelio Manglcimot (Kapitan Sino), Bokbok, Tessa, at Mayor Suico. Ang aking masasabi kay Rogelio ay ako ay natutuwa sa kanya dahil kahit nung una ay ayaw niyang maging isang superhero, nakita niya ang kahalagahan nito, at hindi niya tinakbuhan ang responsibilidad na ito sa bayan ng Pelaez, na sa huli ay kinadahilanan ng kanyang pagkamatay. Naawa rin ako sa kanya dahil marami siyang pinag-aralan, ngunit hindi niya ito nagamit dahil kailangan niyang kumita ng pera kaagad dahil mayroong sakit ang kanyang tatay. Hindi lang iyon ngunit dahil din sa siya ay nahuli na mailigtas ang kanyang mahal na si Tessa. Isipin mo, kanyang nailigtas ang karamihan ng tao, ngunit hindi niya nailigtas ang pinaka-importanteng tao sa buhay niya.
Si Bokbok at Tessa naman ay ang mga matalik na kababata ni Rogelio. Sa totoo lang, masarap magkaroon ng kaibigang tulad nila. Si Bokbok ay sobrang kwela at si Tessa naman ay madalas ding sumasakay sa mga gusto ng magtotropa. Natatandaan ko sa kwento ang pagpili nila ng kasuutan para kay Rogelio dahil nakilala siya sa balita bilang “NInjang Hubad” na inaasar niya kay Rogelio. Ako ay nagagandahan kay Tessa kahit siya ay bulag dahil mas nakikita niya ang puso ng tao kaysa sa panglabas na anyo. Ako talaga ay naniniwala sa kanyang pag-iisip, dahil iyon naman talaga ang nararapat.
Si Mayor Suico naman ang kontrabida sa kwentong ito. Sa kwento, siya ay ipinapakita bilang isang mabait na alkalde ng Pelaez, ngunit hindi pala siya ang taong ipinapakita niya sa mga tao. Siya pala ang nangunguha ng mga tao at umuubos ng dugo ng mga ito dahil kanyang ibinibigay ito sa kanyang anak na si Michael, kanyang anak na lumala ang kondisyon kumpara sa kanya. Ako talaga ay nahihirapang magalit sa kanya dahil kanyang ginagawa lamang kung ano ang kailangan ng anak niya. Sa totoo lang, nakikita ko ang kanyang pagka-ulirang ama na nagpaglaruan lang ng tadhana kaya siya ay naging masama.
NILALAMAN NG AKDA (PAANO NAIPAKITA NG MAY-AKDA ANG PAGKAMALIKAHIN?):
Sa aklat na Kapitan Sino, maraming paraan naipakita ng may-akda ang kanyang pagkamalikhain. Unahin natin ang pamagat na kanyang ginamit, Kapitan Sino. Ang aking pakiramdam sa pamagat na kanyang ginamit ay ito ay nagsisilbing isang parody ng sikat na serye na Doctor Who. Ako ay dumating sa pakiramdam na ito dahil ang manunulat ay mahilig gumamit ng parody sa kanyang mga aklat.
Pangalawang paraan naman ay ang pagpapakita niya ng iba’t ibang tema. Sa simula ng kwento, makikita mo na ang impluwensiya ng comedy, dahil ang una niyang misyon bilang Kapitan Sino ay kanyang nagampanan ng mabuti, ngunit ang kanyang kasuotan ay hubad at may takip na damit sa mukha, at hindi lang iyon, ngunit ang kanyang hinabol ay isang pakwan lamang pala ang ninakaw. Makikitaan mo din ng katatakutan ang kwento dahil sa biglaang pagkakawala ng mga tao na pinaniniwalaang dinakip ng isang mabuhok na hayop. Hindi lang yon, ngunit makikitaan mo ng aksyon ang kwento, lalong lalo na sa paglalaban ni Kapitan Sino at ng isang malaking gorilya sa bayan ng Pelaez. Ang huli naman ay ang drama kung saan naipakita sa pag-uusap ni Rogelio at Tessa sa may kampana, at biglaang pagkakamatay ni Tessa pagkatapos ng pangyayaring iyon.
Ang pangatlong paraan naman ay ang maayos na pagkakatatag ng mga tauhan sa kwento, na kahit ang mga hindi lubos na mahalaga na tauhan, nakikita pa rin ang kakaibahan ng pag-uugali. SImulan natin ito sa tatlong mga aling ng Pelaez, si Aling Baby, Aling Chummy, at Aling Precious na nagdadagdag ng anghang sa kwento. Ang dalawang aling, si Baby at Precious ay magkatungali palagi, na kung ano ang mayroon ang isa, pilit na hihigitan ng kabila. Si Aling Chummy naman ay maganda ang pagkakatatag dahil pinakita na siya ang pinakamabait sa Pelaez, at sa dulo ay naipakita na kahit ang mga pinakamababait, maari ring magbago. Isipin mo ganyang detalye na kaagad ang naibigay sa mga minor na tauhan, paano pa kaya sa mga pangunahing tauhan.
Ang panghuling paraan naman ay ang paggamit ng napaka-tumpak na mga detalye. Sa aking pagbasa, naipinta ng maayos sa akin ang bayan ng Pelaez na parang lugar mismo sa Pilipinas, at ito ay naipapakita dahil kanyang isinulat mula basura, na napakaliit na detalye, hanggang sa mga bahay at tipo ng mga taong naninirahan doon. Aaminin ko hindi gumagana ang aking imahinasyon kapag nagbabasa ng mga aklat, pero sa aklat na ito, nakikita ko ang itsura ng lugar, tao, at mga pangyayari dahil napaka-detalyado ang pagkakasulat.
Ito ang mga paraan kung paano naipakita ng may-akda ang pagiging malikahain: magandang pamagat, pagkakaiba-iba ng tema, maayos na pagtatag ng mga tauhan, at pagiging detalyado sa pagsusulat.
TEMA:
Mula pa lamang sa pamagat, makikita at mararamdaman mo na ang tema ng aklat na Kapitan Sino ay aksyon. Maayos ang pagkakagawa na maipadama ang tema ng kwento. Sa oras natin ngayon, ang dami ng mga superhero movies na magaganda ang kwento, at nakakaaliw panoorin. Masasabi kong kinakaya ng Kapitan Sino ang makipag-laban sa mga ito, dahil ang mga aksyon sa libro ay sobrang detalyado ang pagkaka-kwento na makikita mo na sa iyong imahinasyon ang pangyayari na ito.
IBANG WAKAS:
Kung ako ay bibigyan ng oportunidad na tapusin ang kwento na Kapitan Sino, ang aking gagawin ay si Bokbok ang papalit kay Rogelio bilang Kapitan Sino pagkatapos ng kanyang pagkamatay, ngunit hindi lamang siya. Lahat ng mga tiga-Pelaez ay matututong itayo ang kanilang bayan sa paa nito dahil matutunan nilang magkaisa, sa paraang iyon, mabibigyang kabuluhan ang pagkamatay ni Kapitan Sino, at sila na din mismo ang magliligtas sa kanilang sariling bayan.
ARAL NA NATUTUNAN SA AKLAT:
Masasabi kong madaming aral na mapupulot sa aklat na Kapitan Sino. Ang mga ito ay huwag magbase sa panlabas na anyo, huwag takbuhan ang responsibilidad, at ang lahat ay maaaring maging isang bayani o superhero.
Unahin natin ang huwag magbase sa panlabas na anyo. Ang nagbahagi ng aral na ito sa aklat ay si Tessa na isang bulag. May ironiya man dahil maaari ngang nasabi niya lang ito dahil siya ay bulag, ngunit sinabi niya ito kay Rogelio nung sila ay nag-uusap.
Ikalawa, ang huwag takbuhan ang responsibilidad. Ang aral na ito ay nangagaling sa tatay ni Rogelio na si Mang Ernesto na tinakbuhan ang kanyang responsibilidad bilang isang superhero. Ganoon din dapat sa atin. Dapat ay harapin natin ang ating responsibilidad sapagka’t ito ay ang bagay na gingawa tayong mga superhero.
Ikatlo naman ang lahat tayo ay maaaring maging superhero. Paano? Ito ay sa paggawa ng ating mga responsibilidad ng napakabuti. Kadalasan kasi ay naghahanap tayo ng gagawa ng isang bagay para sa atin na hindi na tayo kumikilos. Ang isang halimbawa nito ay ang palaging pagsisi natin sa gobyerno. Lagi natin silang sinisisi sa kanilang ginagawa, ngunit tayo din naman ay nakatunganga lang. Imbis na magreklamo, tayo ay magtulungan na umunlad ang ating sariling bansa. Kahit ang mga maliliit na bagay na iyong ginagawa, tulad ng pagtatapon ng basura sa tamang lugar, ay malaki ang naitutulong sa kaunlaran ng bansa.
IBANG AKLAT NG MAY-AKDA:
Kung ako ay magbabasa pa ng ibang aklat ni Bob Ong, ang aking pipiliin ay ang librong MacArthur. Ang kadahilanan sa aking pagpili ay dahil ito ay tungkol sa tatlong adik kaya’t nakakatawa. Pero bukod sa rason na iyon, ang tatlong adik na ito ay nagpapakita sa kasalukuyang estado ng Pilipinas. Ito din ay nirekomenda sa akin ng aking kaibigan na mahilig magbasa kaya’t yun ang gusto kong basahin na libro.
REKOMENDASYON:
Ang Kapitan Sino nga ay tunay na isang magandang libro. Aking inirerekomenda ito sa lahat ng mga mahilig sa mga superheroes dahil ako ay sigurado na sila ay matutuwa at maaaliw sa aklat na ito. Maraming mga bagay na mapagtatanto sa aklat na ito. Puno ng aral, katatawanan, at kaaliwan ang aklat. Siguradong sulit ang inyong pera sa pagbili ng aklat na ito.
Comments
Post a Comment