"Supot ng Filler Notebooks" ni Mr. Yoso


SUPOT NG FILLER NOTEBOOKS

            Pasukan na naman, at ngayon mayroon pa rin akong kasamang dalawang filler notebooks, si Rosas at si Dilaw. Masaya ako dahil kahit nakuha na ang ibang kaibigan namin, ay sila’y natira pa, ngunit aaminin ko ring ako ay kinakabahan. Ang kabang nararamdaman ko ay dahil sa maaaring makuha na sila pareho, at natatakot ako dahil medyo matagal na kaming magkasama, at hindi ko maitatangging napalapit na ang loob ko sa kanila.

            Sa pangalawang araw ng pasukan, ako ay napasigaw nang makitang kinukuha na mula sa amin si Rosas. Kitang-kita ko ang paunti-unting pag-ubos sa kanyang nilalaman, ngunit parang siya pa ay masaya. Siya naman ay nakaligtas mula dito, at nakabalik sa piling ko. Sobrang napagaan ang aking pakiramdam nung nangyari iyon. Sa gitna ng aking kaginhawaan, biglaang nadakip naman si Dilaw, at ang masama pa nito ay dalawang tao ang umuubos sa kanya. Yung isa ay ang laki magsulat, kaya’t akala ko ay mawawala na si Dilaw. Nakita ko namang naka-ligtas si Dilaw, ngunit siya ay napa-layo sa amin ni Rosas.

            Ako ay nagtataka dahil bakit parang ako lang ang natatakot tuwing sila ay binabawasan. Sobrang sakit sa ulo na intindihin kung bakit masaya sila tuwing sila ay sinusulatan. Maaaring ito ay dahil sa takot na mag-iisa na naman ako sa bag, oo, dahil nga roon. Kaya’t naisip kong tanungin si Rosas, “Rosas, bakit nga ba tuwang-tuwa ka kapag nababawasan ka?” At sa pag-iisip niya ng sagot, kinuha na siya ng may-ari sa mula sa akin. Narinig ko lamang ang pahina ng pahinang sigaw niya sa akin na, “PURPOSE! PURPOSE! PURPOSE!”

 Matapos nang enkwentrong iyon, hindi na siya nakabalik, maaaring alam niya na hindi na siya maibabalik sa aking piling kaya’t pinilit sagutin ang aking tanong. Ang mga huling salitang narinig ko mula sa kanyang bibig ay patuloy pa ring umuulit sa aking utak, “PURPOSE! PURPOSE! PURPOSE!” Aking sinubukang paganahin ang aking utak, at sa pagpapaganang iyon, natuklasan kong “silbi” pala ang ibig sabihin ng salitang iyon. Ngayon, aking inisip naman kung ano ang kinalaman ng silbi sa kanilang tuwa, at matapos ang ilang oras ng pag-iisip, pumasok na sa aking utak kung bakit sila’y masaya kada’t kuha sa kanila, at iyon ay dahil kanilang nagagawa ang kanilang silbi.

            Sa gitna ng aking pangungulila mula sa dalawa kong pinaka-matalik na kaibigan, onti-onti akong nalukot, napunit, at nasira, at sa bawat sakit na natatanggap ko, napagtanto ko na, ang aking silbi ay protektahan sila sa dumi, pagka-tupi, pagka-punit, at higit sa lahat, para sila ay magkasama-sama. Kaya’t kahit nasasaktan, naka-ngiti pa rin dahil sa pag-iisip na tapos na pala talaga ang aking silbi, at aking nagampanan yoon ng maayos. Masaya ako na imbis ako ay maitapon, ako ay hinayaang manatili sa bag, dahil alam kong kahit hindi ko na nakikita ang mga kaibigan ko, alam ko namang malapit pa din kami sa isa’t isa, at masaya din akong makita at masuportahan sila sa kanilang pagtapos ng kanilang silbi.




Comments