"Papel sa Buhay" ni Psyche
“Papel sa Buhay”
Ang pamilya namin ay simple lamang. Matayog,matibay,malakas na mga puno. Payapa lamang kaming namumuhay noon. Puno ng tawanan,pagmamahalan at kasiyahan. Hanggang isang araw, nagbago ang lahat. Nawala ang lahat ng saya at ngiti sa mga labi. Nabura ang lahat sa isang iglap. Nakita ko ang lahat. Nakita ko kung paanong walang awa nilang sinira at pinatay ang mga kapwa kong puno. Kung paanong walang pagdadalawang isip nilang hiniwa ang mga kaibigan ko. Hindi sila naawa. Pinatay nila ang aking pamilya. Maging ang mga bata ay kanilang pinatay at hiniwa ng walang kaawa-awa.
Namulat ako, isang araw, isa na akong papel. Isang buong papel. Nakabalot na lamang sa isang plastik. Ang dating matikas at matayog na puno, ay isa na lamang malambot at pirapirasong papel. Minsan na akong nawalan ng pag-asa. Napaisip kung ano na lamang ang magiging halaga sa mundong ibabaw. Ito na ba ang katapusan? Wala na ba akong kwenta? Wala na ba akong silbe? Hihintayin ko na lamang dumating ang araw na may kumuha sa akin at ako’y gamitin. Ganoon na lamang matatapos. Ang dating puno ng saya at kulay na buhay ay sa ganito lamang matatapos.
Hindi ko na matandaan ilang buwan na ba ang lumipas. May taon na ba ang nakaraan? Isang araw, nagising na lamang ako, nasa loob na ako ng isang bag. Mukhang may nakakuha na sa akin at may nagmamay-ari na sa akin. Handa na ako. Alam ko na ang mangyayari. Magsusulat lamang sa aking katawan at itatapon pagkatapos. Paulit-ulit hanggang sa ako ay maubos. Gaya ng inaasahan, ganoon nga ang nangyari. Alam ko na ang mangyayari ngunit hindi ko inasahan na ganito pala kasakit. Hindi ko alam kung ang sakit na nadarama ay galing sa sakit na unti-onting pagpilas sa aking katawan o ang pakiramdam na nakikita kong ako ay paubos nang paubos. Araw-araw, paulit-ulit ang nangyayari. Pabawas nang pabawas. Paunti ng paunti ang mga pahina.
Hanggang isang araw, naisipan kong basahin at pagmasdan lamang kung ano ang isusulat niya sa akin. Bawat linya, salita, pangungusap ay aking sinundan at sinubaybayan. Doon ko nalaman na ang kanyang sinusulat ay isang kwento. Isang maikling kwento patungkol sa isang lalaki na nawalan ng direksyon sa buhay, ngunit nabigyang pag-asa muli dahil sa rami ng mga nagmamahal sa kanya. Pinili niyang lumaban at ipagpatuloy ang buhay dahil napagtanto niya kung gaano kaganda ang buhay. Kung gaano kasarap mabuhay. Nakita niya na hindi ang pagsuko sa laban ang solusyon, maniwala ka lamang sa Maykapal at magtiwala. Nakita ko ang aking sarili sa kanyang isinulat. Naalala ko ang lahat ng masasayang ala-ala kasama ang aking pamilya. Nakasisigurong hindi ito ang gusto nilang mangyari; ang sumuko na lamang sa buhay at hindi magpatuloy sa laban. Namulat ako sa katotohanan. Nakita ko na hindi lahat ng isinusulat sa akin ay nagiging basura at walang katuturan. Nakita ko kung paanong ang simpleng bagay na naisulat sa akin ay may malaking halaga at importansya. Nakita ko ang katotohanang ang simpleng pagsulat sa akin ay maaaring makapagpabago ng aking buhay. Nakakita ako ng panibagong rason para bumangon. Araw-araw, inabangan ko ang panibagong kwento na kanyang isusulat. Mga araw na lumipas na puno ng kwentong kapupulutan ng aral.
Dumating ang oras na naubos na pala ako. Hindi ko namalayang wala na ang mga pahina ko. Ngunit kahit ganito, habang buhay kong dala-dala ang mga magagandang ala-ala ng kahapon. May pait man ang buhay, sinubok man ako ng maraming problema, nanatili pa rin akong malakas at patuloy na lumaban hanggang sa huling pahina ng aking buhay.
Comments
Post a Comment