Si
“Si” ni Bob Ong
Suring Basa ni Psyche
Isang malaking bagay kung bakit gugustuhin mong basahin ang librong ito ay dahil sa pamagat nito – “Si”. Lubos nitong guguluhin ang iyong isip kung bakit ganito ang pamagat. Na sa bawat pahina at kabanata na lilipas ay aabangan mo kung ilalahad ba ang rason sa likod ng misteryosong pamagat na ito. Mapupuno ka ng tanong sa iyong isip na pilit mong hahanapan ng kasagutan, kung sino ba si “Si”? Kung bakit “Si”? Anong meron sa “Si” at marami pang iba. Ang mas nakagugulo pa ng aking isipan ay hanggang sa matapos ko ang libro ay hindi ko naunawaan kung bakit ito ang naging pamagat ng libro. Si Bob Ong ba mismo ang “Si” na tinutukoy sa pamagat? Si Victoria ba? O ibang karakter sa kwento? Sa makatuwid, masasabi kong matalino ang pagkagawa at pag-isip sa pamagat ng librong “Si” kung kaya’t naging epektibo ito sa layuning mapukaw ang atensyon ng mga mambabasa.
MAY AKDA
Sa totoo lamang, matagal ko nang naririnig ang pangalang Bob Ong, ngunit ang libro niyang “Si” pa lamang ang aking nababasa kung kaya’t wala akong ideya sa kung papaano siya bilang awtor magsulat ng libro, kung paano ang kanyang mga estilo, pamamaraan at kung paano ang kanyang atake sa paggawa ng kwento na makaaantig sa puso ng mga mambabasa.
Sa unang beses ko itong basahin, hindi ko kaagd naintindihan ang takbo ng kwento. Hindi ko kaagad napansin na pabalik pala ang pagkakakwento ng tagapag-salaysay. Ilang pahina rin ang aking nabasa bago ko napagtanto na kakaiba pala ang pagkaka-salaysay ng kwento. Nakahahangang isipin na maaari palang magkwento o magsulat ng libro sa pabalik na paraan. Masasabi kong matapang si Bob Ong upang gawin ang ganitong uri ng pagsalaysay dahil nakipagsapalaran siya sa posibilidad na maaaring hindi lahat ay mauunawaan kaagad ang nais niyang ipabatid sa kwento dahil nga pabalik ang panahon sa librong ito.
Habang binabasa ko ang libro, nasabi kong tagalog na tagalog at napaka-makata ng may akda dahil ang lenggwaheng ginamit ay purong tagalog ngunit hindi ito naging “corny” kung tawagin o hindi mo ito maiisipan na “boring” o nakakatamad basahin. Ang mga linya o hugot sa buhay na mababsa mo sa libro ay talagang tatagos sa iyong puso na tipong uulit-ulitin mong basahin ang mga ito at nanamnamin mo ang bawat sakit at pait o tuwa at kilig na mararamdaman mong emosyon.
Ang paraan ng kaniyang pagkakasulat sa kwento ay talagang pinag-isipan at masasabi mong may laman. Bagamat tungkol sa buhay pag-ibig ng pangunahing karakter ang kwento, siniguro ni Bob Ong na hindi ito magiging pangkaraniwan lamang na kwentong pag-ibig na masasabi mong “wala na bang iba?” o ‘di kaya’y “ang cliché naman ng kwento”. Masasabi kong ibang-iba ang ginawa ni Bob Ong sa librong “Si” kung ikukumpara ko ito sa ilang mga kwentong pag-ibig na nabasa ko na.
Pinatunayan lamang sa akin ng librong “Si” na si Bob Ong ay may malikot na isip at tunay ngang isa siyang mahusay na awtor dahil sa kanyang malikhaing pamamaraan ng pagsulat.
TAUHAN
Ang pangunahing tauhan sa librong ito ay walang pangalan o hindi ipinakilala ni Bob Ong. Ang tanging alam mo lamang ay ito ang kwento ng pag-iibigan ng bida at ni Victoria at kung paano niya nilagpasan ang iba’t-ibang suliranin na kaniyang hinarap sa buhay. Matapos kong basahin ang libro, humanga ako sa katauhan ng bida. Dito mo masasabi na kapag nagkaroon ka ng problema, gugustuhin mong malagpasan mo rin ito gaya ng hindi pagsuko ng bida sa kwento. Kung paanong nanatiling malakas ang pananampalataya niya sa Diyos na talagang hahangaan mo sa bida.
Isa pang masasabi ko sa bida ay ang pagiging makatotohanan nito sa masa. Kumbaga, ang pangunahing karakter ay sumasalamin sa iba’t-ibang personalidad ng mga tao, na habang binabasa mo ang libro, masasabi mo sa iyong sarili na “ganyan rin ako minsan” o di kaya’y “ganyang ganyan ako eh”. Ipinaramdam sa akin ni Bob Ong sa pamamagitan ng pangunahing karakter na hindi ako nag-iisa o hindi lamang tayo ang nakararanas ng mga ganitong problema. Na may ibang tao rin pala ang nakararanas rin ng parehong suliranin at pagsubok sa buhay na akala natin minsan tayo lang ang nakararanas.
Isa pang pumukaw ng aking atensyon ay ang karakter ni Victoria. Si Victoria na inibig, iniibig at habambuhay iibigin ng bida sa kwentong “Si”. Kahanga-hanga rin ang personalidad ni Victoria sa kwentong ito; sumasalamin sa pagiging Maria Clara ng mga pinay na bagama’t hindi siya perpekto at may mga maling desisyon rin siyang nagagawa sa buhay ay masasabi mong tunay na matapang si Victoria dahil nanatiling matatag ang pagmamahal niya sa pangunahing karakter.
Ipinakita rin ni Victoria na ang kanyang karakter ay hindi nalalayo sa realidad ng buhay. Na ako bilang babae ay masasabi kong ako’y nakaka-“relate” sa mga desisyon niya sa buhay at kanyang kaugalian. May mga pagkakataon na may ginawa si Victoria sa kwento na matatawa ka dahil nauunawaan mo ang pakiramdam na ito dahil nagawa mo na rin iyon.
Ang isa sa mga karakter na hindi pangunahing tauhan at bahagyang naikwento lamang ng bida sa kwento ay ang karakter ni Kups. Isa na ata si Kups sa mga nabasa kong karakter na talagang paiikutin ang iyong ulo dahil sa mga kaganapan sa kanyang buhay. Sa una ay maiinis ka dahil mapapaisip ka kung bakit ang dali para sa kanya na itapon lamang ang kanyang buhay dahil lamang sa kabiguan sa pag-ibig, ngunit sa bandang huli ay magugulo ang iyong isip sa tindi ng iba’t-ibang emosyon na iyong mararamdaman sa kwento ni Kups. Maaantig ang iyong puso dahil ang pagmamahal na ipinagkait kay Kups ay matatagpuan niya sa kanyang aso na si Superman na nakapag-pabago ng kanyang buhay, at nakapagpa-isip kay Kups na ituloy muli ang buhay. Ngunit kung gaano ka nito pinasaya, ay biglang dudurugin ang iyong puso dahil ganoon na lamang ang lungkot na naramdaman kung paanong isinakripisyo ni Kups ang sariling buhay para kay Superman. Na hindi niya ipinagdamot ang sariling buhay para sa minamahal, tao man ito o alagang aso.
NILALAMAN NG KWENTO
Ang kwentong “Si” ay patungkol sa buhay pag-ibig ng bida. Ang pag-ibig niya kay Victoria, kung paano sila bilang mag-asawa, ang kanilang mga pinagdaanan bilang mga magulang, ang mga pagsubok na hinarap nila bilang magkasintahan, ang katorpehan ng bida kay Victoria at ang unang beses na nakita niya si Victoria. Ipinakita ng librong ito kung gaano kasarap umibig. Kung paanong pipiliin mong mag-mahal nang paulit-ulit kahit alam mong may kaakibat itong sakit. Kung papaanong pipiliin mong maniwala sa mahika ng pag-ibig at maniwala sa ideya ng tadhana.
Bagamat tungkol ito sa buhay pag-ibig ng bida, ipinakita rin ng librong ito ang iba’t-ibang suliranin sa buhay na ating hinarap, hinaharap at posibleng harapin. Ang mga pahapyaw na kwento ng iba’t-ibang karakter na ikinekwento ng bida na nagpapakita ng iba’t-ibang pagsubok sa buhay at kung paano natin ito susulusyunan. Sa pagbasa mo ng librong ito, para ka na ring nasa mundo ng mga karakter, mararamdaman mo ang mga tamis, kilig at masasayang pangyayari maging ang mga pait at hinagpis ng mga karakter sa kwento.
Dahil nga pabalik ang panahon ng kwento, nagsimula ang kwento na matanda na ang bida at nagdiriwang ng kanyang ika-75 kaarawan. Sa pag-usad ng kwento ay ang pag-bata ng mga karakter at ang paglabas ng mga iba’t-ibang problema na kanyang kinaharap. Ang mga naging problema nila ni Victoria sa kanilang mga anak na sina Juliano, Lorenzo at Veronica. Ang mga pinagdaanan nina Victoria at ng bida noong magkasintahan pa lamang sila. Hanggang sa kabataan ng bida, sa kung paanong bata pa lamang ay naantig at tinamaan na ang kanyang puso kay Victoria. Ang dinanas ng kanilang pamilya at ng mga Pilipino sa mga kamay ng mga Hapon nang sakupin nila ang Pilipinas maging ang sagupaan ng Amerika at ng Hapon noong ikalawang digmaang pang-daigdig. Hanggang sa pinakadulo na kung saan malalamang ang bida ay bunga ng pagkakamali ng kanyang mga magulang.
TEMA
Ang kwentong ito ay may temang pagmamahal, hindi romansa kung ‘di pagmamahal sa kabuuan. Pagmamahal sa iyong kabiyak sa buhay, pagmamahal sa mga anak, pagmamahal sa mga kaibigan, pagmamahal sa kapwa, pagmamahal sa bayan, pagmamahal sa magulang at higit sa lahat ang pagmamahal sa sarili. Ipinakita ng librong ito kung paanong ang bawat tao ay may kaniya-kaniyang paraan ng pagmamahal at kung paanong pagmamahal rin ang bubuo at susulusyon ng lahat ng problema. Ipinakita ng libro ang dalawang mukha ng pagmamahal- ang tamis at ang pait nito. Kung paanong pakikiligin ka ng pagmamahal pagkatapos ay paiiyakin ka nito na halos ika-baliw mo ang dulot nitong sakit. Ang bawat ganda at pagkukulang ng pagmamahal at kung paanong ang bawat karakter ay may iba’t-ibang pananaw at paniniwala sa pagmamahal. Ang iba’y may ayaw sa pagmamahal, ang iba’y, sinukuan ang pagmamahal, ang iba’y nasiraan ng ulo sa pagmamahal, ang iba’y piniling magparaya para sa pagmamahal, ang dating magkaaway ay naging pamilya dahil sa pagmamahal, ang dating pusong bato ay naging kasing lambot ng tinapay ang puso, ang dating sumuko na sa buhay ay piniling lumaban muli at nabigyan ng pangalawang pagkakataon, ang dating wala ng gana at wala ng direksyon sa buhay ay nabigyan muli ng pag-asa- ang lahat ng ito ay dahil sa pagmamahal.
ARAL NA NATUTUNAN SA AKDA
Isa sa malaking rason kung bakit nagustuhan ko ang librong ito ay dahil sa mga aral na ipinamulat at ipinakita nito sa akin. Masasabi kong ang librong ito ay siksik ng mga aral sa buhay na aantig sa iyong puso.
Una, ipinaalala sa akin ng librong ito na sulitin ang buhay na ipinagkaloob sa’yo at ang araw-araw na bagong pagkakataon sa iyong buhay. Huwag mong sayangin sa wala ang iyong buhay. Gawin mo ang mga bagay na dapat mong gawin habang may oras ka pa. Sulitin ang mga simpleng bagay sa buhay kasama ang mga mahal sa buhay gaya nang kung paano namuhay ang bida sa kwento.
Pangalawa, huwag kang matakot magmahal. Masaktan ka man, dapat ay handa kang tanggapin ang lahat ng ito dahil walang tatalo sa kapangyarihan ng pagmamahal. Ginawa tayo nang dahil sa pagmamahal kung kaya’t tayo ay mabubuhay nang nagmamahal; ika nga ng bida, “sino ka kung hindi ka marunong magmahal”. Itinuro ng librong ito kung gaano kasarap magmahal at maniwala sa pag-ibig. Ang matutunang mag-patawad, mag-paraya, mag-pakumbaba, mag-kaisa, mag-kaintindihan ang lahat ng ito ay dahil sa pagmamahal. Pagmamahal hindi lamang sa pagitan ng dalawang tao, maging sa ating kapwa, sa ating mga kaibigan, sa ating magulang, sa ating bayan at sa ating sarili.
Pangatlo, huwag mong kakalimutan ang Panginoon, kung gaano ka niya ka-mahal. Isuko mo sa kanya ang buhay mo at hayaan mo siyang maging kapitan ng iyong buhay at dadalhin ka niya sa tamang direksyon. Laging tandaan na mas malaki ang Panginoon kaysa sa mga problemang kinakaharap mo. Na hindi ka niya pababayaan, hindi mo man siya nakikita, o pakiramdam mo ay hindi mo siya nararamdaman, lagi mong tatandaan, nasa tabi mo lamang siya palagi. Ipinaalala sa akin ng librong ito na sa tuwing pakiramdam mo ay wala ng solusyon ang lahat at gusto mo nang sumuko, nariyan ang Panginoon naghihintay na kumapit ka sakanyang muli at handa kang tanggapin, at patawarin ng paulit-ulit. Handa kang yakapin nang paulit-ulit sa tuwing kumakalas ka sakanyang piling. Panatilihing matatag ang pananampalataya sa Maykapal gaya kung paanong naniwala at nanampalataya ang bida sa Panginoon ano man ang kanyang harapin.
SARILING WAKAS
Kung bibigyan ako ng pagkakataong bigyan ng sariling wakas ang kwento at ibahin ang pangyayari, babaliktarin ko ang pagkakakwento ng libro, sisimulan ko sa likod upang magsimula ang lahat sa pagkabata ng bida hanggang sa siya’y tumanda. Pagkatapos ay saka ko gagawing trahedya ang wakas ng kwento, imbis na mabuhay si Victoria nang naaksidente sila ng bida, hindi na siya nakaligtas at namatay. Dahil hindi nakayanan ng bida ang labis na kalungkutan ng pagkawala ni Victoria ay nawalan na siya ng rason upang mabuhay at nawalan ng pag-asa sa buhay. Araw-araw lamang siyang umiiyak at hindi na makausap. Hanggang isang araw, sinundan niya si Victoria at tinupad ang kanilang sumpaan na magmahalan hanggang sa kabilang buhay.
IBANG AKLAT NG MAY AKDA
Matagal ko nang nakikita sa bilihan ng mga libro ang isa sa mga sikat na libro ni Bob Ong – ang librong “Bakit Baliktad Magbasa Ng Libro Ang Mga Pilipino?”, kung kaya’t kung bibigyan ako ng pagkakataong magbasa ng ibang libro ni Bob Ong, ito ang aking susunod na babasahin. Ito ang sunod na gusto kong basahin dahil sa kataka-taka at gusto kong malaman kung bakit nga ba baliktad magbasa ng libro ang mga Pinoy? May kinalaman ba ito sa tunay na buhay? May kinalaman ba ito sa realidad na sitwasyon ng Pilipinas at ng mga Pilipino? O ito’y purong kalokohan at katatawanan lamang? Nais kong mas malaman kung papaano magsulat si Bob Ong, dahil mas lalo akong na sabik malaman at mas makilala si Bob Ong bilang isang manunulat. Nais ko rin malaman kung ano pa ang mga “genre”, estilo ng pagsulat at tema ang ginagawa ni Bob Ong.
IREREKOMENDA MO BA ANG LIBRONG BINASA SA IBA? BAKIT?
Oo! Irerekomenda ko sa iba na basahin nila ang librong “Si” ni Bob Ong. Nais kong maranasan rin nila ang lahat ng emosyon na aking naranasan sa librong ito. Nais kong maranasan nila ang lahat ng tamis, at pait ng librong ito. Nais kong matunghayan nila ang mala “roller coaster” na buhay pag-ibig ng bida. Nais kong matutunan nila ang mga aral na napulot ko sa librong ito. Nais kong iparanas sa kanila kung gaaano kagaling bilang awtor si Bob Ong.
Comments
Post a Comment